Sa kabila ng maraming talata na nagpapatunay na ang Panginoong Jesus ay totoong Dios ay marami pa rin ang nangangaral na Siya umano ay tao lamang at hindi Dios.
Ang katotohanang ibabahagi natin ngayon ay isa lamang sa mga talatang malimit nababasa ngunit hindi napupuna na meron pala itong katotohanan na itinuturo patungkol sa pagiging Dios ni Kristo.
Ang Alpha at Omega ay si Jesus
Itinuturo sa atin ng Aklat ng Apocalipsis na si Jesus ay Alpha at Omega. Walang duda sa Revelation 22:13-16 na ipinakilala ng Alpha at Omega mismo kung ano ang pangalan Niya.
“Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas”
“Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo’y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
Ang Alpha at Omega ay nagpakilalang Siya ay Dios
Ang “Alpha at Omega” na Jesus ay Siya ring nagsambit ng ganitong pag-angkin bilang Dios sa Revelation 21:6-7.
“At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.
“Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako’y magiging Dios niya, at siya’y magiging anak ko.”
Malinaw na sinabi ng Alpha at Omega na Siya ay magiging Dios ng mga magtatagumpay. Kung si Jesus ay Alpha at Omega ibig sabihin ay tanggap Niya na Dios Siya, at wala namang kumontra o tumutul sa pag-angkin Niya na mababasa sa mga karatig na talata.
“Magiging Dios pa lang…”
Maaring ilusot na “magiging Dios pa lang naman eh. So hindi pa nga Siya Dios”. Bagaman sinabi ng talata na “ako’y magiging Dios niya..” hindi ito nangangahulugang doon lamang sa panahon na iyon magiging Dios ang kalagayan ni Jesus.
Ang diin ay sa pag-umpisa ng relasyon ng mga magtatagumpay at ni Jesus bilang kanilang Dios. Kunin nating halimbawa ang isang guro at estudyante:
“Sa susunod na semester ay si Teacher Edgar na ang magiging guro ninyo.”
Hindi ibig sabihin niyan na sa next semester pa lamang magiging guro si Edgar. Maaring matagal na siyang guro pero sa sunod na semester siya magiging guro ng isang klase.
Ganito ring ang malimit nating mababasa sa mga talatang may kinalaman sa tipanan.
“Sapagka’t ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso’y aking isusulat ang mga ito. At ako’y magiging Dios nila, At sila’y magiging bayan ko:” Hebrew 8:10 TAB.
Hindi sinasabi ng talata na ang pagiging Dios ng Dios ay mangyayari lamang sa panahon ng tipanan. Bago pa ang tipanan ay Dios na Siya.
Pagkilala ni Juan sa Alpha at Omega
“Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat.” Revelation 1:8
Maliban na lamang na mapasubalian ang katotohanan sa Revelation 22:16 na si Jesus ay Alpha at Omega ay dapat nating tanggapin na totoo at tunay na Dios si Jesus ayon na mismo sa Kanyang binitawang mga salita at patoto ni Apostol Juan.
Ang Dios ay Siyang Pasimula at Wakas (o Alpha and Omega)
Sa kabila niyan ay hindi natin sinasabi na ang Alpha at Omega ay si Jesus lamang. Ang Alpha at Omega ay pwede ring ikapit sa Ama. Naniniwala tayo na ang Tatlong Persona sa Kadiosan ay nagse-share ng mga attributes ng Dios. Ang Dios ay Siyang pasimula at wakas. Kung si Jesus ay isa sa Persona sa Kadiosan ay dapat meron din Siyang attribute na “pasimula at wakas”. Hindi maaaring ang isa ay makapangyarihan pero ang isa ay maliit lang ang kapangyarihan. Ganunpaman ay may pagkakaiba ang Tatlong Persona sa mga roles at ginagampanan na gawain.
Nawa ay nagbigay ng butil ng katotohanan ang maikling aralin na ito upang tayo ay maglingkod sa tunay na Dios. Ibalik natin ang papuri sa Dios! Amen.