Ang Sampung Utos daw bilang tipan ang kinakitaan ng kakulangan sa Hebreo 8:7-13. Dahil sa maling unawa at aral na ito ay na-conclude nila na lipas na nga daw at hindi na kailangan ang Sampung Utos ng Dios sa panahong Kristiano. Nabanggit rin sa talata na may bagong pakikipagtipan ang Dios sa Kanyang bayan. Dahil din dito ay pinakahulugan nila na may ipinalit na nga daw na bagong kautusan sa Sampung Utos.
Ang maling pagkaunawa at conclusion ay nag-uugat sa maling pagtagpi-tagpi ng mga talata. Ito ang isa sa mga halimbawa ng pandaraya ng kaaway na kung hindi maingat ang mag-aaral ng Biblia ay maaaring maligaw. Ganito ang ginagawa nila sa Hebreo 8:7-13 na humantong sa maling aral.
Play of words: “tipan”
Gagamitin nila ang salitang “tipan” sa Hebrew 8:7 upang idugtong sa Deuteronomy 4:13 na tumatalakay rin sa salitang “tipan”. Sa hindi maingat na nagbabasa ay maaaring maisip nila na walang masama sa pagdugtong ng dalawang talata dahil “parehas” na tipan ang pinag-uusapan. Ngunit ipapakita natin na bagaman parehas na salitang “tipan” ang pagkakagamit ngunit magkaiba ito ng pinatutungkulan. Ito ang ugat ng pagkakamali sa kanilang pagpapahayag.
Sa Hebreo 8:7 kasi ay binabanggit ang ganito:
“Sapagka’t kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.”
Ang pagdidiin nila ay nasa salitang “unang tipan”. Ito ay ini-elaborate nila sa pamamagitan ng mga kasunod na talata na may pagdidiin naman sa kaganapan o ang pangyayari. Ang event ay noong panahon nila Moises sa Sinai. Sa puntong ito ay tama ang kanilang mga pahayag dahil iyon naman talaga ang sinasabi ng mga talata.
Ang pagkakamali ay ang pag-link nila ng “unang tipan” ng Hebreo 8:7 sa “tipan” ng Deuteronomy 4:13 na ganito ang sinasabi:
“At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga’y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato.”
Sa talatang ito ay malinaw na binanggit na ang Sampung Utos ay tinawag na tipan. Kaya ang conclusion nila ay “ang unang tipan na niluma ay ang Sampung Utos”. Bagaman parang tama kung hindi lalaliman ang pag-aaral ngunit ito ay mali.
Masaya si Satanas sa maling aral na ito
Sa maling conclusion at aral na iyon ay maraming lalabagin na katotohanan sa Biblia:
- Lalabas na ang Dios ang dapat na humingi ng tawad dahil gumawa Siya ng Sampung Utos na kakikitaan pala ng kakulangan. Huwag nawang mangyari!
- Lalabas rin na mahinang gumawa ng kautusang moral ang Dios dahil naluluma pala at nagiging kulang-kulang ang kautusan Niya sa paglipas ng panahon.
- Lalabas rin nito na pabago-bago ang definition ng Dios o standard Niya ng morality. Tandaan natin na ang Sampung Utos ay nauukol lahat sa moralidad. Kung noon ay kasalanan na ang isang gawain ay dapat kasalanan pa rin iyon hanggang sa katapusan ng mundo–sa lahat ng generasyon. Hindi maaring paiba-iba. Otherwise, magkakaroon ng double standard ang Dios.
Totoo ngang masaya ang kaaway sa aral na “ang Sampung Utos ang tipan na kinakitaan ng kakulangan kaya kailangang palitan”. Dahil dito ay masasabi natin na totoong may mali sa kanilang pagpapahayag.
Ano o sino ang nagkulang o kinakitaan ng kakulangan sa Hebreo 8:7-10?
Kung magkaganon ay ano ang tamang unawa at aral sa Hebreo 8:7-10 at Deutoronomy 4? Ang sagot ay nasa mga talata na rin mismo. Hindi na kailangang tumalon pa sa ibang aklat ng Biblia. Basahin nating muli ang Hebreo 8:7 at mga karatig na talata:
verse 7: “Sapagka’t kung ang unang tipang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.”
verse 8 “Sapagka’t sa pagkakita ng kakulangan sa kanila, ay sinabi niya, Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, Na ako’y gagawa ng isang bagong pakikipagtipan; sa sangbahayan ni Israel at sa sangbahayan ni Juda.”
verse 9: “Hindi ayon sa tipang aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang Nang araw na sila’y aking tangnan sa kamay, upang sila’y ihatid sa labas ng lupain ng Egipto; Sapagka’t sila’y hindi nanatili sa aking tipan, At akin silang pinabayaan, sinasabi ng Panginoon.”
Sa verse 8 at 9 ay malinaw na ang kinakitaan ng kakulangan sa unang tipanan ay ang “kanila” at “sila”– mga tao. Hindi natupad ng mga tao (Israelita) ang pakikipagtipan nila sa Dios kaya ang unang tipanang naganap doon sa Sinai ay kinakitaan ng kakulangan, dahil dito ay nangangailangan ng panibagong pakikipagtipan. Ito rin ang dahilan kung bakit ang tao ang dapat na magsisi at humingi ng tawad, hindi ang Sampung Utos o ang Dios.
Pakikipagtipan ang gagawing bago, hindi kautusan
Malinaw rin sa verse 8, 9, at 10 na ang gagawing bago ay “pakikipagtipan” hindi “kautusan”. Ano ang significance nito? Kung ang bagong gagawin ay pakikipagtipan, nangangahulugan ito na ang niluma ay pakikipagtipan rin– hindi kautusan. Muli ay basahin natin ang mga talata:
verse 8 “Sapagka’t sa pagkakita ng kakulangan sa kanila, ay sinabi niya, Narito, dumarating ang mga araw, sinasabi ng Panginoon, Na ako’y gagawa ng isang bagong pakikipagtipan; sa sangbahayan ni Israel at sa sangbahayan ni Juda.”
verse 9: “Hindi ayon sa tipang aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang Nang araw na sila’y aking tangnan sa kamay, upang sila’y ihatid sa labas ng lupain ng Egipto; Sapagka’t sila’y hindi nanatili sa aking tipan, At akin silang pinabayaan, sinasabi ng Panginoon.”
verse 10: “Sapagka’t ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel…”
Nakita natin sa verse 8 at 10 na ang bago ay pakikipagtipan, nangangahulugang ang niluma ay pakikipagtipan o tipanan din. Sinusugan ito ng verse 9 na nagsasabing “hindi ayon sa tipang Aking ipinakipagtipan”. Kung hindi na ayon sa tipanang iyon ibig sabihin ay niluma na at wala nang bisa ang unang pakikipagtipan o tipanan, again hindi kautusan.
Ang kautusan ay mas lalung pinahalagahan sa halip na niluma
Kung magkagayon ay ano ang mangyayari sa kautusan ng Dios sa bagong tipanan o pakikipagtipan? Nilinaw ito sa atin ng verse 10:
“Sapagka’t ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso’y aking isusulat ang mga ito. At ako’y magiging Dios nila, At sila’y magiging bayan ko:”
Sa halip na palitan o lumain ang kautusan ay mas lalu pa itong pinagtibay: inilagay sa isip at isinulat sa puso ng tao sa bagong tipanan.
Walang salitang “covenant” o “tipan” sa Hebreo 8:7
Tulad ng nabanggit na nang una na ang maling aral ay nag-uugat sa paggamit ng salitang “tipan” sa Hebreo 8:7 at pagkakabit nito sa “tipan” ng Deutoronomy 4:13.
May dagdag na liwanag ang maibibigay sa atin ng ibang mga salin o versions ng Biblia. Sa King James Version ay makikita na ang salitang “covenant” sa Hebrew 8:7 ay naka-italicized. Ibig sabihin nito ay idinagdag na lamang ang naturang salita ng mga tagapagsalin. Kung magiging istrikto ay ganito lamang dapat sana ang salin sa Tagalog:
“Sapagka’t kung ang unang yaon ay naging walang kakulangan, ay hindi na sana inihanap ng pangangailangan ang ikalawa.”
Maaaring kung wala ang salitang “tipan” sa Hebreo 8:7 ay hindi nila ito maidudugtong sa salitang “tipan” ng Deutoronomy 4:13. Nagpapakita lamang ito na ang kanilang pinagbabatayang aral ay nakasalig sa idinagdag ng mga tagapagsalin.
Agreement o covena24nt ang tipan sa Hebreo 8:7-10, hindi kautusan
Sa tulong ng ibang versions ng Biblia ay malinaw na covenant o agreement ang tipan na sinasabing niluma at binago, hindi kautusan. Ganito ang mababasa natin sa Contemporary English Version (CEV):
If the first agreement with God had been all right, there would not have been any need for another one. But the Lord found fault with it and said,
“I tell you the time will come, when I will make a new agreement with the people of Israel and the people of Judah.
It won’t be like the agreement that I made with their ancestors, when I took them by the hand and led them out of Egypt. They broke their agreement with me, and I stopped caring about them!
“But now I tell the people of Israel this is my new agreement: ‘The time will come when I, the Lord, will write my laws on their minds and hearts. I will be their God, and they will be
my people.”
Klaro na agreement o tipanan ang niluma at hindi ang kautusan ng Dios. Nawa ay nagbigay linaw ang maikling aralin na ito sa paghahanap at pagtaguyod natin ng katotohanan.
Please share this article so many will know of God’s truth before Jesus comes. Sa Dios ang papuri! Amen.