Ang problema
Kapag nag-search ka ng Ten Commandments o Sampung Utos sa Internet ay marami kang makikita na websites na inililista ang umano’y Sampung Utos ng Dios. Ngunit marami dito ay hindi parehas sa nakasulat sa Biblia.
Nagkaroon ng dagdag-bawas na ginawa ang mga tao sa Sampung Utos na mismong daliri ng Dios ang ipinangsulat.
Iyong ikaapat ay ginawa nilang ikatlo at masyado nang pinaikli dahilan upang malayo ang mga tao sa totoong araw ng Sabbath ng Dios. Iyon namang ikasampu ay hinati sa dalawa. Iyong ikatlo na nagbabawal sa pagsamba sa mga imahen at dios-diosan ay tinanggal. Sampu pa rin kung susumahin, pero adulterated na.
Ang iba naman ay itinuturong ang Sampung Utos ay hindi na raw para sa mga Kristiano.
Sa post na ito ay ipapakita natin hango mismo sa Biblia kung ano ang totoong Sampung Utos ng Dios para sa mga Kristiano.
Ang Sampung Utos at character ng Dios
Ang kautusang moral ng Dios ay nagre-reflect ng Kanyang character. Ibig sabihin kung sinasabi sa Sampung Utos na “huwag kang magkakaroon ng ibang dios”, nangangahulugan ito na ang Dios ay ayaw ng may ka-rival. Yun ang character Niya.
Ang character ng Dios ay hindi rin dapat pabago-bago, otherwise malilito tayo. Kung noon ay galit ang Dios sa pagnanakaw at pagsisinungaling, dapat sa lahat ng panahon ay consistent Siya doon, at sinususugan naman ito ng Biblia: Malachi 3:10, Hebrews 13:8.
Kung ang Sampung Utos ay nagpapakita ng character ng Dios, at ang character ng Dios ay hindi dapat nagbabago, nangangahulugan ito na ang Sampung Utos ng Dios ay hindi rin dapat pabago-bago sa lahat ng panahon.
Ano ang layunin ng kautusan ng Dios?
Ang layunin ng kautusan ay upang ipakita ang kasalanan, hindi para magligtas ng tao. Tanging ang Panginoong Jesus lamang ang nagliligtas. Hindi sinusunod ang kautusan para maligtas, bagkus sinusunod ito bilang pag-appreciate sa kabutihan at pagmamahal ng Dios.
Paano mo malalaman na ikaw ay nagkasala? Humarap ka sa Sampung Utos (salamin) at makikita mo ang iyong mga pagkakamali. Ngayon, luluhod ka ba sa Sampung Utos at hihingi ng tawad? Hindi po. Sa Panginoong Jesus tayo lalapit upang mapatawad.
Dahil dito ay nakikita natin ang kahalagahan ng kautusan ng Dios. Kung aalisin ang Sampung Utos (o ang salamin) hindi mo na makikita ang dumi sa buhay mo.
Ano ang Sampung Utos na naisulat sa Biblia?
Ito yaong nakasulat sa Exodus 20. Ang pagsunod sa kautusan ay hindi lamang sa titik, kundi maging sa prinsipyo o diwa nito.
#1 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.
#2 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangisman ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin; 6At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.
#3 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.
#4 Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin. Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain. Nguni’t ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan: Sapagka’t sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal.
#5 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
#6 Huwag kang papatay.
#7 Huwag kang mangangalunya.
#8 Huwag kang magnanakaw.
#9 Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa.
#10 Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalake o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.
Dapat bang baguhin ang Sampung Utos alang-alang sa mga Kristiano?
Anong special meron sa mga taong nabuhay noon at ngayon? Lahat ay mahalaga sa Dios, lahat ay makasalanan. So walang pagkakaiba. Sabi pa nga ni Paul ay pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao maging Hentil o Hudyo man–isama mo na mga Filipino, Japanese, Amerikano o Intsik.
“The law of the LORD is perfect, converting the soul: the testimony of the LORD is sure, making wise the simple.”
Psalm 19:7 KJV
Kung magkagayon bakit babaguhin o aamiendahan ang isang bagay na sakdal at perpekto? Wala pong pagbabago ng Sampung Utos maging sa panahon ng mga Kristiano.
Sa bagong pakikipagtipan ng Dios sa tao ay ito ang ginawa sa Sampung Utos
“Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip,
Hebreo 8: 10
At sa kanilang mga puso’y aking isusulat ang mga ito.
At ako’y magiging Dios nila,
At sila’y magiging bayan ko:”
Malinaw po dito na wala dapat baguhin sa standard ng morality ng Dios. Sa halip na baguhin ay mas pinalapit pa sa puso o isipan ng tao. Hindi doble ang standard ng Dios sa pag-define kung ano ang kasalanan. Magiging unfair sa tao kung ang pagmumura noon ay kasalanan tapos ngayon ay hindi na.
Ang Sampung Utos na ibinigay sa Sinai ay para din ba sa mga Kristiano?
Narito ang patotoo ni Stephen, tinagurian unang Krsitianong martyr, bago siya patayin ng mga tao.
“Ito’y yaong Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel… Ito’y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin…”
Gawa 7:37-38
Maliban na lamang na ituring natin na ang Sampung Utos ay kabilang sa aral na patay, ay dapat nating tanggapin na ang Sampung Utos ay ibinigay din sa ating mga Kristiano.
- Dahil sa ang Dios ay hindi nagbabago ng Kanyang standard of morality….
- Dahil sa ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao at lahi ay panta-pantay…
- Dahil sa meron lamang iisang everlasting gospel para sa lahat ng tao at panahon…
- Dahil ang mga aral na buhay na ibinigay sa Sinai ay ibinigay din sa ating mga Kristiano…
Nangangahulugan lamang ito na ang Sampung Utos ng Dios na para sa mga Kristiano ay iyon ding naibigay na ng una.
Nawa ay nagbigay linaw ang article na ito. Kung ito po ay nakatulong sa inyong pagsasaliksik ng katotohanan ay maaari nyo pong ibahagi sa inyong mga kaanak at kaibigan. Purihin ang Dios dahil sa Kanyang pamamatnubay.