Narito ang talata ng Hebreo 7:12 na malimit ginagamit ng mga Kristiano na ayaw na sa Sampung Utos ng Dios.
“Sapagka’t nang palitan ang pagkasaserdote ay kinailangang palitan naman ang kautusan.” Hebrew 7:12 TAB.
Maraming tagapagturo ngayon ang nagsasabing na ang Sampung Utos raw ang kautusang pinaltan sa Hebrew 7:12. Kaya ang kanilang conclusion ay tapos na o pinaltan na ang Sampung Utos ng Dios. Bakit mali ang ganitong pagkaunawa sa talata? Ano ba talaga ang sinasabi ng talata ayon sa tamang context nito?
Sa pag-aaral ng Biblia (at maging iba pang mga aralin) ay mahalagang isinasaalang-alang ang context ng talatang pinag-uusapan. Ibig sabihin ay uunawain rin ang mensahe ng mga karatig talata. Kung itutuloy ang pagbabasa ay makikita natin kung anong kautusan ang pinag-uusapan sa talatang 12.
“Sapagka’t yaong tungkol sa kaniya ay sinasabi ang mga bagay na ito ay naukol sa ibang angkan, na doon ang sinoma’y hindi naglilingkod sa dambana. Sapagka’t maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao’y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote.” vs 13, 14.
Ang kautusang pinag-uusapan ayon sa context ay kautusang may kinalaman sa paghahalal sa pagkasaserdote, na dapat ay mula sa lahi ni Aaron o Levi.
Ganito ang mababasa natin sa Numbers 18:
“Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari.”
“Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila’y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo.”
Ayon sa naisulat ay hinde pwedeng maging punong saserdote ang galing “sa ibang angkan” maliban sa lahi ni Levi at Aaron.
Ang Panginoong Jesus ay mula sa lahi ni Juda, na sa lahing iyon ay “walang sinalitang anoman si Moises” patungkol sa paghahalal ng saserdote. Kung susundin ang kinagawian ay hindi maaring maging punong saserdote ang Panginooong Jesus.
Ngunit pinakita ng sumulat ng aklat ng Hebrew na ang pagiging Punong Saserdote ni Jesus ay mula sa lineage ni Melquezedek, hinde kay Levi. Si Melquezedek ay naging isang punong saserdote matagal pang panahon bago pa man isinilang si Levi.
Ipinapakita nito na valid ang pagiging Punong Saserdote ni Jesus kahit wala Siya sa lahi ni Levi.
Ito iyong sinasabi ng talata na “kailangang palitan”. Ang kautusang pinag-uusapan na dapat palitan ay ang kautusang nagsasabi na “ang punong saserdote ay dapat mula sa lahi ni Levi”.
Tandaan natin na kailanman ay hindi pinag-uusapan ang Sampung Utos sa buong kapitulo ng Hebreo 7.