Laganap ngayon ang katuruan na ang mga matuwid raw na namatay kay Cristo ay umaakyat na sa langit sa pamamagitan ng kanilang kaluluwa, at ang mga ito ay pwede umanong hingian ng guidance at pamamatnubay para sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay dito sa lupa.
Ang iba pa nga ay pwede raw tumanggap ng mga panalangin at ilapit ang mga hinaing ng mga nasa lupa patungo kay Pedro o Jesus o sa Ama dahil nga naman malapit na sila doon at nasa langit na. Ano ang itinuturo ng Biblia ukol sa mga taong nabuhay ng matuwid ngunit pawang nangamatay na?
Ipinauuna na natin na may ilan lamang na mga taong nasa langit na ngayon, ito ay special cases. Ito ay sina Enoch (Genesis 5:24, Hebrews 11:5), Moises, at Elijah (2 Kings 2:11). Ang mga ito ay may incorruptible bodies na at hindi mga “kaluluwa” o parang multo na mala-hangin lamang. Hindi sila mga patay, kundi pawang buhay nananahan na sa langit. Si Moises ay nakaranas ng kamatayan ngunit ang kanyang libingan at katawan ay hindi alam ng kahit sino hanggang sa ngayon (Deuteronomy 34:5,6; Jude 9).
Sa mga susunod na talata ay ipapakita natin kung ano ang aral ng Biblia, ni Jesus, at Kanyang mga alagad sa kalagayan at kakayanan ng mga namatay na.
May kakayanang bang pumuri sa Dios ang matuwid na namatay kay Kristo?
“Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah) Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan? Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?” Awit 88:10-12
Bagaman ang sagot sa talata sa itaas ay negatibo at nagpapakita na wala nang kakayanan pang gumawa nang anuman ang mga namatay, kahit pumuri pa sa Dios, ay sinusugan pa ito ng iba pang mga talata sa Biblia. Sa parehas ding aklat ng Awit ay mababasa ang salaysay na ang mga namatay ay wala na talagang kakayanang pumuri sa Dios.
“Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan; ” Awit 115:17
“Sapagka’t sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo? ” Awit 6:5
Dito pa lamang ay established na mula sa Biblia ang katotohanan na ang mga namatay ay hindi na makakagawa pa ng kahit anumang gawa maliban na sila ay buhaying muli.
Tunghayan pa natin ang ilan pang mga talata na nagpapakita ng kalagayan ng mga taong nangamatay.
May natitira bang pagka-alam sa memorya ng mga namatay?
“Sapagka’t nalalaman ng mga buhay, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.” Ecclesiastes 9:5-6
“Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.” Awit 146:4
Kahit ang pangalan ng kanilang mga mahal sa buhay na nabubuhay pa sa mundo ay hindi na nila alam. Kung magkagayon, paaano sila tatanggap ng mga panalangin mula sa lupa? paaano sila makaka-guide ng mga kamag-anak nilang nabubuhay pa sa lupa? Paano nila mailalapit ang mga panalangin ng mga taong nasa lupa patungo sa Ama? Maging sarili nilang existence ay wala na.
Saan tatawagin ni Jesus ang mga namatay sa panahon ng Kanyang pagbabalik: sa libingan o sa langit din?
Tulad ng nabanggit na ay itinuturo ng maraming Kristiano ngayon na ang mga matuwid umano na mga nangamatay na ay nasa langit na. Kung magkagayon ay sa pagbabalik ni Jesus dapat sana ay sa langit din sila tatawagin ni Jesus. Pero tingnan natin ang isang talata sa aklat ni Juan:
“Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka’t dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” John 5:28-29 TAB.
Hindi sila tatawagin sa langit. Hindi sila magmumula sa langit. Tatawagin sila mula sa libingan. Walang libingan sa langit dahil ang langit ay hindi lugar ng mga patay. Nagpapatunay lamang ito na ang mga banal na nangamatay ay hindi pa pumupunta sa langit.
Ano ang pagkaunawa ni Jesus sa pagkamatay ni Lazarus: nasa langit na o nasa libingan pa rin?
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magbabangon uli ang iyong kapatid.” John 11:23
Apat na araw ng nakalibing si Lazarus at inaasahan na nag-uumpisa nang manlagas ang kanyang laman. Kung totoo ang katuruan na ang mga banal na nangamatay ay umaakyat na sa langit dapat sana ay sinabi ni Jesus “bababa muli ang iyong kapatid mula sa langit.”
Malinaw na ang unawa at aral ni Jesus mismo patungkol sa taong namatay ay nananatili kung saan siya inilibing, hindi umakyat sa langit.
Paano tinawag ni Jesus si Lazarus mula sa kamatayan: “bumaba ka mula sa langit” o “lumabas ka”?
“At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo. ” John 11:34 TAB
Kung umakyat na si Lazarus sa langit ay hindi na sana mahalagang alamin kung saaan inilibing si Lazarus.
“ay sumigaw siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka. ” John 11:43
Bagaman si Jesus ay tumingala bilang panalangin sa Ama, ngunit hindi Niya sinambit na “Lazarus, bumaba ka (mula sa langit)”.
Ano ang patotoo ni Apostol Pedro patungkol sa kamatayan ni David?
“Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriarkang si David, na siya’y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito. .. Sapagka’t hindi umakyat si David sa mga langit.” Acts 2:29, 34
Maging si Haring David na tinawag ng Dios na “a man after My own heart” ay hindi umakyat sa langit, bagkus nasa libingan pa rin.
Kailan inaasahan ni Apostol Pablo na makakasama ng mga banal ang Panginoong Jesus?
“Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita. ” 2 Timothy 4:6-8
Ang inaasam na resurrection o pagkabuhay na maguli ay mangyayari sa muling pagpapakita ni Jesus sa mga alapaap.
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man. Kaya’t mangagaliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito.” 1 Thessalonians 4:16-17
Sa muling pagbabalik ni Jesus pa lamang mangyayari ang pag-akyat ng mga banal sa langit. Ang mga namatay kay Jesus at mga natagpuang buhay ay sama-samang pupunta sa langit. Ang mga naunang namatay ay hindi mauuna sa langit.
May malaking kapahamakan sa maling aral na ito
Tila masarap pakinggan ang pangungusap na “ang ating mga mahal sa buhay na nangamatay na ay nasa langit na at pumapatnubay sa atin”. Ngunit kung ito ay hindi totoo ay mapapahamak tayo. Hindi lamang mabibigo, maglalayo ito sa atin sa pagkaunawa sa character ng Dios. Magbubukas ito ng mas marami pang delikado at maling aral na kinamumuhian ng Dios.
Tandaan natin na ang katuruan na “hindi ka mamamatay kung lalabagin mo ang utos ng Dios o kung magkakasala ka” ay nagmula kay Lucifer.