Ang pagkalunod ni Pedro na muntik na niyang ikamatay ay isa sa mga kwento sa Biblia na kakikitaan natin ng maraming katotohanan pagdating sa kaligtasan. Sa article na ito ay kukunin natin ang mahahalagang aral sa pangyayaring iyon na magbibigay sa atin ng dagdag linaw para sa ating kaligtasan.
Sa Matthew 14:22-33 ay mababasa natin ang pangyayari na kung saan si Jesus ay lumakad sa ibabaw ng tubig habang malakas ang hangin na lumalaban sa bangkang sinasakyan ng Kanyang mga alagad. Nang makita ito ni Pedro ay minungkahi niyang lumakad rin sa tubig patungo kay Jesus.
“Sumagot sa kaniya si Pedro: Panginoon, kung ikaw nga, hayaan mong makapariyan ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.”
“Sinabi niya: Halika.”
Nangyari nga na lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig patungo sa Panginoon, ngunit nang makita niya ang alon na higit pang lumakas ay nagsimula siyang lumubog.
“Sumigaw siya na sinasabi: Panginoon, sagipin mo ako.”
“Kaagad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya. Sinabi niya sa kaniya: O, ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?”
Tatlong bagay ang maari natin matutunan na may kinalaman sa ating kaligtasan sa kaganapang ito.
Ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa
Una, anumang efforts natin sa ating sariling kakayanan upang tayo ay maligtas ay wala itong saysay, lulubog at lulubog tayo.
Bilang isang mangingisda, marahil ay inisip ni Pedro na kaya niyang lumangoy pabalik sa bangka kung sakaling hindi maging successful ang paglalakad niya sa tubig. Iniisip niya ang kanyang sariling kakayanan upang iligtas ang sarili. Ngunit hindi naging sapat ang kanyang expertise bilang isang taong sanay na sanay na sa dagat upang iligtas ang sarili.
Ang kaligtasan natin ay nakasalalay lamang sa kabutihan at biyaya ng Dios, hindi sa ating sariling mabubuting gawa.
“Ito ay sapagkat sa biyaya kayo naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito ay hindi sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Diyos. Ito ay hindi dahil sa gawa upang hindi magmalaki ang sinuman.” Efeso 2:8-9 (SND)
Ang paggawa natin ng kabutihan ay bunga o resulta ng kaligtasang Kanyang naibigay na sa atin.
“Ito ay sapagkat tayo ay kaniyang mga likha na nilikha ng Diyos kay Cristo Jesus para sa mga mabuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una na dapat nating ipamuhay.” Efeso 2:10 (SND)
Ang kaligtasan ay ibinibigay agad-agad
Pangalawa, agad-agad o “immediately” ang tugon ng Dios sa oras na tumawag tayo sa Kanya. Hindi mahalaga kung ano ang kasalanan na nagawa mo o kung ano status mo sa lipunan. Sa oras na tumawag ka sa Dios ay agad-agad ang Kanyang tugon.
Ang kaligtasan ng Dios ay para sa lahat. Straight o bakla, empleyado o boss, biktima o kriminal, Filipino o banyaga, matanda o bata ito ay para sa lahat.
Hindi rin mahalaga kung ikaw ay nakaluhod o nakatayo o nalulunod o kung ano man ang iyong kinalalagyan, basta’t tumawag ka sa Dios ay agad-agad ang Kanyang tugon.
Maaaring ang kaligtasan na kailangan mo ay kaligtasan ng iyong kaluluwa at hindi ang kaligtasan mula sa kung anumang kalagayan o kagipitan ka naroroon sa ngayon. Maaaring pinahintulutan ng Dios ang sakuna o anuman sa ngayon sa iyong buhay, ngunit ang iyong puwang sa bagong langit at bagong lupa ay tiyak sa oras na tanggapin mo Siya bilang Manliligtas ng iyong buhay.
May pagtutuwid na mangyayari sa oras ng kaligtasan
Pangatlo, tulad ng nangyari kay Pedro, ay may pagtutuwid na ginagawa ang Dios sa ating buhay sa oras na tayo ay Kanyang iligtas.
“Kaagad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya. Sinabi niya sa kaniya: O, ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?”
Hindi maganda na babalik tayo sa dating gawi matapos na tayo ay Kanyang iligtas.
Ang pagtutuwid ay mararanasan natin sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Sa ating lifestyle, sa pagkain, sa ating iniinom, sa ating pinapanood at binabasa, sa mga tugtuging pinapakinggan, sa pagpili ng mga kaibigan o makakasama habangbuhay, sa lahat ng ginagawa natin ay dapat Siya ang masusunod dahil ang lahat ng ito ay paghahanda Niya sa ating character bilang mamamayan sa bagong langit at bagong lupa.
Nawa ay magsilbing lesson sa atin ang nangyari kay Pedro upang maitama natin ang ating unawa sa pagliligtas ng Dios. Hindi tayo maliligtas ng ating sariling kakayanan. Ang Dios ay agad-agad ang pagtugon kung nais nating maligtas. Asahan nating may pagtutuwid at pangangaral na mangyayari kaakibat ng Kanyang pagliligtas.
(Photo: sermon4kids.com)