Marami ang nagtuturo ngayon na dapat daw ay YHWH o JHVH ang dapat na gamitin kapag binabanggit ang pangalan ng Dios. Yung iba pa nga ay itinuturo rin na kapag mali ang pagbigkas o pagkakasulat ay maaaring ikawala ng kaligtasan o hindi maligtas.
Ang YHWH o Tetragramaton ay ginamit ng mga Judio bilang pangalan ng Dios upang maiwasan na mabanggit ito sa walang kabuluhan. Ginawa nila ito upang masunod at maingatan ang ikatlo sa Sampung Utos ng Dios na mababasa sa Exodus 20.
Ang mga original na lingwahe na ginamit sa Biblia, Hebrew at Greek, ay gumamit ng iba’t-ibang pangalan para sa Dios.
Sa Old Testament ay mababasa ang iba’t ibang Hebrew words na:
- Yahweh (Jehovah, LORD) tulad ng nakasulat sa Genesis 15:2
- Elohim (God) na mababasa naman sa Genesis 1:1
- Adonai (Lord) na mababasa sa Genesis 18:3
- El Shaddai (God Almighty) na mababasa sa Genesis 17:1
Sa New Testament naman na generally ay gumamit ng Greek language ay ito ang mga salitang ginamit nila patungkol sa Dios:
- Theos (God) na mababasa sa Matthew 1:23
- Kurios (Lord) na mababasa sa Matthew 1:22
Sa mga pangalang ito ay makikita natin na hindi istrikto ang Biblia sa paggamit ng iisang pangalan at lingwahe para sa pangalan ng Dios. Iyong YHWH sa Old Testament mula sa Hebrew language ay naging Theos sa New Testament dahil sa Greek language. Kung totoo na dapat ay istrikto tayo sa paggamit ng pangalan ng Dios na YHWH ay dapat sana ay YHWH pa rin ang ginagamit sa New Testament books.
Bukod dito ay malimit na tinawag ni Jesus ang Dios bilang “Ama” sa halip na YHWH.
Dahil dito ay walang masama kung gagamitin natin ang ‘Dios’ o ‘Panginoon’ para itawag sa tunay na Dios kung ikaw ay isang Filipino. Ang ating kaligtasan ay hindi nakadepende sa pagbigkas natin ng pangalan ng Dios.
Ganunpaman, mahalaga rin na alamin ang mga orihinal na salitang ginamit ng mga manunulat ng mga aklat ng Biblia. Ito ay magbibigay ng mas lalung malinaw na pagkaunawa sa mensahe na nais nilang iparating.