Narito ang sinasaad ng talata:
“At siya’y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya’y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.”
Lukas 4:16 ADB1905
Kapag ginagamit natin ang Lukas 4:16 upang ipakita na mismong ang Panginoong Jesus ay nangilin ng ikapitong araw na Sabbath, kalimitang natatanggap nating rason o sagot ay hindi naman daw talaga nangilin si Jesus sa nasabing talata kundi nagbasa lamang.
Kinagisnan na ni Jesus
Ang talata ng Lukas 4:16 ay nagpapakita sa atin ng kaugalian ng Panginoong Jesus tuwing araw ng Sabbath, at ito ay ang pagpunta Nya sa sinagoga upang makinig ng Salita ng Dios.
Hindi tamang isipin o iaral na “ugali ni Jesus ang pumunta sa sinagoga, magbabasa lamang at hindi talaga sumasamba o nangingilin”. Ang ganyang pag-uugali ay hindi nararapat maging sa isang Kristiano. Kung pupunta tayo ng simbahan, dapat ang pakay natin ay sumamba sa Dios at hindi lamang para magbasa.
Ang ganyang kaisipan o aral ay kokontra sa isa pang talata na sinulat rin ni Lukas. Ito ay ang mababasa natin sa Lukas 2:52.
“Lumago si Jesus sa karunungan at pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.”
Lukas 2:52 FSV
Paano magiging kalugod-lugod sa Dios ang pagpunta ni Jesus sa bahay-sambahan pero hindi sumasamba at nagbabasa lamang? Dito ay nakita natin na gusto lang lumusot ng mga mangangaral na ayaw sa ikapitong araw na Sabbath ng Dios.
Si Jesus ay lumaking Judio
Si Jesus ay ipinanganak na Judio, at ang isa sa mga utos na mahigpit na sinusunod ng mga Judio hanggang sa ngayon ay ang pangingilin at pagsamba sa Dios sa araw ng Sabbath (Exodus 20:8-11).
Kaya nga bilang isang Judio at pagiging masunurin sa kautusan ng Ama ay masasabi natin na ang pagpunta ni Jesus sa templo tuwing araw ng Sabbath, at pagbabasa Nya ng aklat ni Isaias ay kabahagi ng Kanyang pagsamba sa Ama at pangingilin ng Sabbath.
Ugali rin ni Pablo ang mangilin tuwing araw ng Sabbath
Ang pagpunta sa sinagoga ng isang tunay na mananampalataya lalu’t sa araw ng Sabbath ay bahagi ng pagsamba at pangingilin tulad ng kay Pablo.
“Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2 Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan.”
Acts 17:2 FSV
Malinaw rin sa talata ng Mga Gawa 17:2 na ugali rin ni Apostol Pablo ang pumunta sa sinagoga tuwing araw ng Sabbath.
Dahil wala sila sa Jerusalem at nasa paglalakbay, ay minabuti nilang tumungo sa Tesalonica dahil doon ay may bahay-sambahan na pwedeng pagdausan ng pagsamba ng araw ng Sabbath.
Ano ang ginagawa nila sa loob ng sinagoga sa araw ng Sabbath? Nakikipag-diskusyon? Nagbabasa lamang? Nangangaral lamang at hindi talaga sumasamba sa Dios o nangingilin? Basahin natin ang patoto mismo ni Apostol Pablo.
“Matitiyak ninyo sa inyong pagsisiyasat na wala pang labindalawang araw nang ako’y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.”
Mga Gawa 24:11 FSV
Tulad ng Panginoong Jesus, si Apostol Pablo ay isang totoong Judio at alam niya ang pangingilin ng Sabbath. Ayon na rin sa kanya, ang kanilang pakay sa pagpasok sa sinagoga ay para sumamba.
Kasama sa pangingilin ni Pablo ng ikapitong araw na Sabbath ang manalangin kasama ang kapatid sa pananampalataya.
“Nang araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng lungsod sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon.”
Acts 16: 13 FSV
Ang pagpunta natin sa kapilya at pagbabasa ng Biblia sa loob ng bahay-sambahan ay bahagi ng ating pagsamba sa Dios. Patas lamang na sabihin nating pagsamba rin ang ginawa ni Jesus ng basahin Nya ang aklat ni Isaias sa loob ng templo sa araw ng Sabbath.