Hindi Niya agad-agad pinakilala ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang physical na anyo, bagkus ginamit Niya ang Scriptures na meron sila noon (ang Old Testament) upang makilala ni Cleophas at kanyang kasama kung sino Siya.
Sa Lucas 24:13-23 ay mababasa ang kaganapan na kilala sa titulong “Road to Emmaus”. Palubog na ang araw ng umuwing nagugulumihanan na nag-uusap ang dalawang disipulo ni Jesus.
Overwhelming sa kanila ang mga dumaang kaganapan sa loob ng tatlong araw. Hindi nila lubos maisip kung bakit at papaano nahatulan at naipako sa krus ang kanilang Panginoong Jesus sa ganoong mabilis na paraan samantalang maaamo, tumutulong sa kapwa, at wala itong ginagawang mali.
At ngayon, pagkatapos ng tatlong araw ay hindi na ito matagpuan sa Kanyang pinaglibingan.
Physical evidence vs nakasulat sa Biblia
Nakikinig ang Panginoong Jesus habang ang dalawa ay nagugulumihanang nag-uusap. Nais na sana Niyang ipakilala ang Kanyang sarili upang pakalmahin at bigyan ng mabuting balita na Siya ay buhay at kasama nila nang mga oras na yaon, ngunit hindi Niya ito ginawa.
Nais Niya munang makita ng dalawa na Siya nga ang Messias o Kristo base sa mga Kasulatan, hindi base sa mga physical na katibayan tulad ng Kanyang sugat sa kamay o anumang apparition.
Ang mga alagad ay mayroong mahalagang leksyon na dapat matutunan, at ang leksyon na ito ay mas lalung mahalaga maging sa panahon natin ngayon. Ito ay walang iba kundi ang paggamit ng Biblia upang makilala ang tunay na Dios.
Ang ating pananampalataya sa Dios ay hango dapat sa Kanyang mga salita, hango dapat sa aral na mula sa Kanyang banal na aklat, ang Biblia.
Kapag alam natin ang Kanyang mga dalisay na aral ay makikilala natin Siya kahit sa kadiliman ng ating buhay, at sa kadiliman ng mundong ating ginagalawan.
Pagpapahalaga ni Jesus sa Old Testament books
Makatawag pansin rin ang pagpapahalaga ni Jesus sa mga aklat ng Old Testament. Hindi Niya ito isinantabi sa pagtatayo ng Kristianismo.
May kilala ka bang mga leader ng simbahan na halos isinasantabi na ang Biblia? Ito ay isang palatandaan ng kanyang pagiging bulaang tagaakay.
Karaniwang sinasabi nila na “oh ang Biblia ay mga sulat lang din iyan ng tao…” na para bagang okay lang na isantabi ito at huwag pag-ukulan ng pansin. Ngunit ang mga aklat na ginamit ni Jesus upang ipakilala kung sino ang Kristo ay pawang mga sulat din lamang ng mga tao rin tulad nila Isaias, David, Jeremiah, Micah, atbp. Bagaman sila ay mga taong makasalanan rin tulad natin ngunit ang kanilang pagsulat ng Biblia ay kinasihan ng Banal na Espiritu.
Kumusta naman ang ating pagpapahalaga sa Biblia? Naglalaan ba tayo ng panahon para pag-aralan ang mga aral ng Dios sa Biblia?