Maraming nagtuturo ngayon, hindi lamang sa mga pagano at ibang relihiyon kundi maging sa Kristianismo mismo, na ang tao daw ay may sangkap na immortality–at ito ay walang iba kundi ang kaluluwa. Itinuturo nila na kapag daw namatay ang isang tao ay may kaluluwa na aalis dito at ang kaluluwang ito ay hindi namamatay (o immortal). Pag-aralan natin mula sa Biblia ang katotohanan ukol dito.
Sino lamang ang may immortality?
“Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios na bumubuhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus… Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon; Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan. Siya nawa.” 1 Timothy 6:13-16 TAB.
Dito ay malinaw na tanging Dios lamang na may akda ng buhay ang may immortality. Nangangahulugan rin ito na ang tao ay mortal o walang immortality.
Ang tao ay mortal o may kamatayan
“Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?” Job 4:17 TAB.
“Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi. ” James 4:17 TAB.
Malinaw na itinuturo ng Biblia na ang taong makasalanan ay parang singaw na mawawala rin. Walang immortality ang tao.
Ano ang ibibigay sa taong matiyaga sa mabubuting gawa?
“Na siya ang magbibigay sa bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa: Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan.” Roma 2:5-7 TAB.
Kung ang tao ay may taglay nang immortality sa ganang kanyang sarili ay hindi na kailangang bigyan pa ito ng buhay na walang hanggan, magiging redundant lamang at walang silbi ang sinasabing gantimapalang eternal life kung ang tao ay meron na nito. Muli, ay nagpapakita lamang ito na ang tao ay walang immortality, at ang eternal life ay ibibigay at hindi nagmumula sa ganang kanya.
Hindi layunin ng Dios na ang tao ay nabubuhay ng walang hanggan na may pagdurusa dahil sa kasalanan
Walang aral sa Biblia na ang tao ay may immortality sa ganang kanyang sarili. Itinuturo ng Biblia na ang tao ay mortal. Hindi disensyo ng Dios na ang tao ay nabubuhay ng walang hanggan na nagkakasala, dahil kung ganoon ay isa itong malaking pahirap sa tao. Imagine, eternal kang naghihirap dahil sa kasalanan.
“Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Genesis 2:17 TAB
Paano makakamit ng tao ang immortality?
“Nguni’t ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nagalis ng kamatayan, at nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng evangelio,” 2 Timothy 1:10 TAB.
“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” John 3:16 TAB.
Kung hindi dahil sa pagibig ng Dios ay walang pag-asa ang tao. Mabubuhay itong walang purpose at mamamatay na ganun na lamang. Ngunit dahil sa biyaya at pagmamahal ng Dios sa tao ay may pag-asa tayong mabuhay ng hindi na namamatay na walang kasalanan, pagdurusa at kalungkutan. Matatamo natin ito kung tatanggapin natin ang gospel o evangelio ni Kristo.
Kailan ibibigay ang immortality kung ang isang tao ay tumanggap ng evangelio ni Kristo?
“Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni’t tayong lahat ay babaguhin, Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin. Sapagka’t kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Datapuwa’t pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. ” 1 Corinto 15:51-54 TAB.
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” 1 Thessalonians 4:16-17 TAB.
Ang immortality ay ibibigay sa muling pagdating ng Panginoong Jesus, at iyan ay malapit na.
Ang aral na ang tao ay may immortality sa pamamagitan ng kaluluwa ay doktrina ni Lucifer, na pinaniwalaan ng ating mga magulang na sina Adan at Eba kaya ang sangkatauhan ay nahulog sa pagkakasala. Huwag na nating ulit-ulitin pa ang kanilang pagkakamali at patuloy na tangkilikin ang aral ng kaaway, at sa halip ay itaguyod natin ang tamang aral na Dios lamang ang may eternal life.