Ang kautusan ba ng Dios ay ang kautusan ni Moises?
Ginagamit nila ang Malakias 4:4 upang iaral na lipas na ang Sampung Utos bilang kautusan ni Moises.
“Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga’y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.”
Nang dahil sa ang talata ay may mga salitang “Horeb” at “Israel” na kung saan doon rin naibigay ang Sampung Utos ay pinakahulugan agad nila na ang Sampung Utos umano ay kautusan ni Moises.
Sa isang segment ng programang “Nasusulat”, kasama si Bro. Johnson Amican at Ka Menong, at article na ito ay ipapakita natin na may pagkakaiba ang “kautusan ng Dios” at “kautusan ni Moises”. Dahil sa pagkakaibang ito ay marapat na nag-iingat ang isang mag-aaral ng Biblia sa pag-conclude kung anong kautusan ang pinag-uusapan sa isang talata. Ang padalos-dalos na pag-interpret ay ikaliligaw ng kaluluwa.
Pagkakaiba ng “kautusan ng Dios” at “kautusan ni Moises”
Gamit ang mga talata sa ibaba ay makikita natin na ang kautusan ni Moises ay pumapatungkol sa mga kahatulan, alituntunin, seremonya sa templo, paglilinis at iba pa. Ang kausutan naman ng Dios ay pumapatungkol sa mga utos na may kinalaman sa moralidad ng tao.
Ang Sampung Utos ay may kinalaman sa standard ng moralidad o character ng Dios
Kung iisa-isahin ang mga utos na nakapaloob sa Sampung Utos ay makikitang ito ay may kinalaman sa standard ng morality na gustong pasundin ng Dios sa mga tao.
Ang unang apat na kautusan kapag sinunod ng bukal sa puso ay nagpapakita ng pag-ibig sa Dios. Ang sumunod na anim na mga kautusan ay nagpapakita ng pagmamahal sa kapwa.
Wala ni isa sa mga utos na ito ay maka-classify bilang seremonya.
Ang kautusan ni Moises ay may kinalaman sa mga paghahandog, paglilinis, batas civil, atbp.
“Gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambana na hindi hinitsurahang mga bato, na hindi pinagbuhatan ng sinomang tao ng bakal: at kanilang pinaghandugan sa Panginoon ng mga handog na susunugin, at pinaghainan ng mga handog tungkol sa kapayapaan. ” Joshua 8:31 TAB
Ang mga paghahandog na ito na ginagawa ng mga Israelita noon ay isang seremonya na nagtuturo sa Panginoong Jesus balang araw bilang “Tupa na inihandong ng minsan at para sa lahat”. Ngayong naihandog na si Jesus bilang nag-iisang Sacrificial Lamb ay dapat na rin itigil ang pagsasagawa ng mga seremonya.
“At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon ” Lucas 2:22 TAB
Kasama sa kautusan ni Moises ang mga rituals ng paglilinis upang maingatan ang kalusugan ng mga mamamayan. Ngunit ngayon na advance na ang mga pamamaraan upang maiiwas sa mga sakit ay hindi na tinutupad ang eksaktong mga rituals ng paglilinis.
“Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito’y kay Moises, kundi sa mga magulang); at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake. ” Juan 7:22 TAB
Kasama sa kautusan ni Moises ang pagtutuli bilang ritual na nagpapakitang nagpapasakop ang isang tao sa mga alituntunin ng mga Hudyo. Ngunit ayon sa mga alagad noong nagkaroon sila ng tinatawag na Jerusalem Council na mababasa sa Acts 15:5-29 ay nilinaw nila na hindi na ang pagtutuli at pagsunod sa iba pang mga seremonya ng mga Hudyo ay hindi na dapat pang ipatupad sa mga Kristiano.
Ang Sampung Utos ay isinilid sa loob ng kaban
“At kaniyang isinulat sa mga tapyas, ang ayon sa unang sulat, ang sangpung utos na sinalita ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang kaarawan ng kapulungan: at ang mga yaon ay ibinigay sa akin ng Panginoon. At ako’y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at nangandoon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon. ” Deuteronomy 104:-5 TAB
Ang kautusan ni Moises ay inilagay sa siping o tabi ng kaban
“At nangyari, nang matapos ni Moises na masulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat, hanggang sa natapos, na nagutos si Moises sa mga Levita, na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon, na sinasabi, kunin ninyo ang aklat na ito ng kautusan at ilagay ninyo sa siping ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, upang doo’y maging pinakasaksi laban sa iyo.” Deuteronomy 31:24-26 TAB
Daliri mismo ng Dios ang isinulat sa Sampung Utos
“At kaniyang ibinigay kay Moises, pagkatapos na makipagsalitaan sa kaniya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, ang dalawang tapyas ng patotoo, na mga tapyas na bato, na sinulatan ng daliri ng Dios. ” Exodus 31:18 TAB
Ang iba pang mga kautusan ay si Moises na ang nagsulat
“At nangyari, nang matapos ni Moises na masulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat, hanggang sa natapos…” Deutoronomy 31:24 TAB
Nauna nang isinulat ang Sampung Utos ng mga daliri mismo ng Dios, sumunod na lamang na isinulat ni Moises ang iba pang mga kautusan.
Ang kautusan ni Moises bilang idinagdag ay may hangganan
“Ano nga ang kabuluhan ng kautusan? Idinagdag dahil sa mga pagsalangsang, hanggang sa pumarito ang binhi na siyang pinangakuan; at ito’y iniutos sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. ” Galatia 3:19 TAB
Ang mga kautusan ni Moises (palatuntanan at alituntunin) ay idinagdag upang magkaroon ng paraan ang tao noong Lumang Tipan na malinis sa pagsalangsalng. Ngunit nang dumating na si Jesus bilang pinatutungkulan noong mga palatuntunan at alituntunin sa templo ay natapos na rin ang pagsasagawa ng mga nasabing seremonya.
Walang ariing ganap sa pagsunod sa alinmang kautusan
“At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. ” Acts 13:39 TAB
Hindi po tinuturo ng Seventh-day Adventist Church na ang pagsunod sa anumang kautusan (maging kautusan ni Moises o kautusan ng Dios) ay nagpapa-aring ganap sa tao.
Bagaman hindi ito nagpapa-aring ganap sa tao ay hindi kahulugan nito na dapat nang itakwil o huwag sundin ang mga kautusan. Hindi kasi purpose ng alinmang kautusan ang mag-aring ganap o mag-justify sa tao. Tanging dugo ni Kristo lamang ang maglilinis sa kasalanan ng tao, hindi ang kautusan.
“Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinomang laman. ” Galatia 2:16 TAB
Ang layunin ng kautusan ng Dios ay ipakilala ang kasalanan ng tao (Roma 3:20). Kapag nakita mo na ang kasalanan sa buhay mo ay lalapit ka kay Kristo upang malinis at ariing ganap. At kung na kay Kristo ka na ay patuloy mong susundin ang mga kautusan ng Dios upang huwag na muling mapalayo sa Dios.
“Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.” Roma 3:31 TAB
Sinusunod ang kautusan ng Dios hindi para ariing ganap o maligtas, kundi bilang pagpapakita ng respeto at pagpapasakop sa Dios.
Anong kautusan ang tinutukoy sa Malakias 4:4 bilang ‘kautusan ni Moises’?
“Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga’y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.”
Malinaw sa talata na ito ay yaong mga “mga palatuntunan at mga kahatulan”. Walang palatuntunan o kahatulan na mababasa sa Sampung Utos ng Dios.