Isusubo nila ang kahit ano na lamang na madampot, ganyan ang mga bata. Hindi lamang dahil sa ito ay gusto nilang kainin kundi dahil na rin sa ito ang isa sa mga unang motor skills na natututunan nila. Sa ganitong paraan nila pinagaaralan ang mga bagay-bagay.
Ganunpaman bilang isang maingat na magulang o tagapagbantay ay hindi natin hinahayaan na makapasok sa kanilang katawan ang kahit ano na lamang na kanilang madampot. Alam kasi natin na bagaman maaari nilang isubo ngunit hindi lahat ay makakatulong. Alam natin na bagaman maaari nilang ipasok sa kanilang katawan ngunit hindi ito nangangahulugang pagkain na agad, kalimitan ay makakasama pa sa kanila.
Vegan–Orihinal na diet
Ganyan rin sa ating buhay bilang mga nilalang ng Dios. Lahat ng ginawa ng Dios ay mabuti at sa kapakinabangan natin, ngunit hindi lahat ay pagkain.
Sa umpisa pa lamang ay binigay na ng Dios kung ano ang pagkain ng tao at mga hayop, at ito ay mababasa natin sa Genesis 1:29-30:
“I have provided all kinds of fruit and grain for you to eat. And I have given the green plants as food for everything else that breathes. These will be food for animals, both wild and tame, and for birds.”
Mapapansin natin na ang original na diet ng tao ay vegan, walang animal flesh, walang processed food. Kapag ito ang ating sinunod kahit sa ngayon ay tiyak hindi tayo mapapahamak.
Pinahintulutan ang karne matapos ang pagkakasala
Ngunit dahil sa pagkakasala at tigas ng ulo ng mga tao ay pinahintulutan na rin ng Dios na pakainin ang mga karne ng hayop, pero hindi lahat ng hayop ay tinuturing na pagkain o makakain.
Ang pagkain ng karne ay nag-umpisa matapos magkasala sina Adan at Eba noong ma-introduced ang paghahain ng kordero, bilang simbolo ng Korderong inihain ng minsan (Jesus) para sa kaligtasan nating lahat.
Ang detalyeng pagkakakilanlan ng pagkain o hindi sa mga hayop, isda, at mga ibon ay mababasa natin Levitico 11 at Deuteronomy 14. Ngunit hindi ito nangangahulugang noon lamang panahong iyon nagkaroon ng pagkakakilanlan sa mga hayop na pwedeng kainin at hinde.
Sa Genesis 7 ay makikita natin na mayroon ng distinction dito.
“Sa bawa’t malinis na hayop ay kukuha ka ng tigpipito, ng lalake at ng kaniyang babae; at sa mga hayop na hindi malinis ay dalawa, ng lalake at ng kaniyang babae.”
Panahon pa lamang ni Noah, ilang libong taon bago nagkaroon ng mga Israelita, ay pinapakita na ng Biblia na mayroon ngang pagkakaiba sa mga hayop na pwedeng kainin at hinde.
Bromah vs akatharton
Sa Biblia, kapag pagkain ang turing ay bromah (Gk. βρῶμα) o derived sa ganyang salita ang ginagamit. Ngunit kung hinde pwedeng kainin ay akatharton (Gk. ακαθαρτον) ang salitang ginagamit. Isinalin ito sa Filipino bilang malinis (bromah) o marumi/karumaldumal (akatharton).
Sa araling Biblia patungkol sa pagkain ay malaki ang maitutulong kung aalamin kung anong salita ang ginagamit sa pinag-uusapan, akatharton ba o bromah?
Halimbawa na dito ay ang mababasa sa Marcos 7:19 na paboritong gamitin ng mga Kristiano na nagtuturo na nilinis na o hindi na pinagbabawal na kainin ngayon ang mga akatharton (marumi) noon.
(Read: Nilinis na nga ba ni Jesus sa Marcos 7:19 ang mga akatharton (marumi) upang kainin?)
Nananatili ang pagkakakilanlan sa marumi at malinis
Hindi nawawala ang pagkakakilanlan na ito maging sa panahong Kristiano. Tayo ay laging pinaalalahanan na bigyan ng pagkakaiba ang banal at hindi, karaniwan at special, malinis at marumi, tama at mali, etc.
Sa Revelation 18:2 kung saan dini-describe ang kalagayan ng naguhong Babilonia ay mababasa natin ang ganito:
“And he called out with a mighty voice, “Fallen, fallen is Babylon the great! She has become a dwelling place for demons, a haunt for every unclean spirit, a haunt for every unclean bird, a haunt for every unclean and detestable beast.“
Isinulat rin ni propeta Isaiah ang mga activities ng pagsambang pagano na kinamumuhian ng Dios sa paghuhukom. Makikita natin na kasama dito ang pagprusisyon at ang pagkain ng baboy at mga maruruming hayop.
“Ang sabi ni Yahweh, “Malapit na ang wakas ng mga naglilinis ayon sa tuntunin ng pagsambang pagano, sumasama sa nagpuprusisyon patungo sa mga sagradong hardin, at kumakain ng karne ng baboy, daga at iba pang hayop na marumi.” Isaiah 66:17 MBB.
Nawa ay hindi tayo matagpuang kabilang sa mga gumawa ng mga activities na ganoon sa panahon ng paghuhukom.
Kapansin-pansin na maging sa huling aklat ng Biblia ay ipinapakita pa rin na hindi nawawala ang pagkakakilanlan sa mga akatharton o maruruming hayop.
Bigyang kaluguran ang Dios kahit sa pagkain
Tayo ay hindi na mga bata upang kainin ang kung ano nalang na maisip natin. Hindi lahat ay ginawa upang kainin. Nawa ay mabigyan natin ng kaluguran ang Dios maging sa ating pagkain.
“Kaya kung kayo’y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios. ” 1 Corinto 10:31.
Nawa ay hindi tayo humantong sa kalagayan na mas sinusunod pa natin ang udyok ng panlasa kaysa sa itinuturo ng Dios. Huwag nawang humantong na dini-dios na natin ang ating tiyan.
“Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidios nila ang kanilang tiyan.” Filipos 3:19
Tandaan natin na si Eba at Adan, Esau, at Panginoong Jesus ay pawang tinukso sa pamamagitan ng pagkain.