5 Dimensions ng Bible Study: Dagdag paraan sa malalim na pag-aaral ng Biblia

five dimensions of a bible study pagaralan natin

Ipinapakita ng Revelation 14:4 ang isa sa mga katangian ng mga maliligtas,

“…At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon.”

Dahil sa ang Biblia ay ang Salita ng Dios na nagpapakilala kung sino si Jesus (Cordero) at anu-ano ang Kanyang mga gawain ay matutupad natin ang constant na “pagsunod sa Cordero saan man Siya pumunta” sa pamamagitan ng palagiang pagbabasa ng Biblia at pakikipag-communicate sa Dios through prayer.

Ayon na rin sa Panginoong Jesus sa John 10:27-28:

“Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin: At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.”

Hindi tayo magiging familiar sa tinig ng Dios kung hindi tayo palabasa at estudyante ng Biblia.

Sa article na ito ay pag-aaralan natin ang isang paraan upang magkaroon ng mas malalim na pag-aaral ng mga salita ng Dios, at ito ay ang pag-kaalam ng sermon ni Pastor Ivor Myers ng Power of the Lamb Ministries.

1. Surface or Flat Dimension

Ito ay ang face value ng mga talata na pinag-uusapan. Kung ano mismo ang nakasulat ay iyon na ang ibig sabihin niyaon. Mahalagang makuha ang unang dimension sa pinag-uusapan dahil dito nakasalalay ang mga susunod na dimensions. Kapag mali o may idinagdag sa talagang sinasaad ng mga talata ay maaaring maligaw.

2. Jesus Dimension

Dito ay inaalam kung nasaan o ano ang ginagampanan ng Panginoong Jesus sa mga talatang pinag-uusapan.

3. Me Dimension

Ito naman ang panahon na iniuugnay o inilalagay ang sarili sa istorya o mensahe ng talata. Sinasagot nito ang tanong na “sino o nasaan ako sa istorya?”

4. Church Dimension

Inaalam naman sa bahaging ito ang lugar ng iglesia sa kwento. Sino o ano ang ginagampanan ng iglesia sa mga talatang pinag-uusapan?

5. Heaven Dimension

Dito ay iniuugnay ang kwento sa nangyayari o mga mangyayari sa hinaharap particular sa bagong langit at bagong lupa.


Rules to follow:

Mahalagang sundin ang mga sumusunod kung gagamitin ang limang dimensions na ito sa pag-aaral ng Biblia:

  • Una, dapat ay sigurado na nakuha ang sinasaad ng mga talata sa unang dimension pa lamang dahil dito nakasalalay ang paggamit ng mga sumusunod na dimensions.
  • Pangalawa, dapat ay may talatang gagamitin para sa ikalawa hanggang ikalimang dimensions na related sa unang dimension, otherwise posibleng mag-iimbento na lamang dahilan para maligaw. Hindi maaring hango sa sariling isip lamang. Dapat ay sinusuportahan din mismo ng Biblia ang makikitang ikalawa hanggang ikalimang  dimensions.
  • Ang ikalawa hanggang ikalimang dimensions ay hindi compulsory. Minsan ay hindi maaari o hindi pwedeng gamitin. Huwag pilitin kung wala talagang mailaan.
  • Minsan naman ay maaaring magkasama o magkasabay na naia-aaply ang dalawa o tatlong dimensions sa iisang pagkakataon.
  • Siguraduhing ang insight na makukuha sa isang dimension ay hindi kokontra sa mga fundamental na katotohanan ng Biblia.

Mga Halimbawa

A. Sanctuary

1st – Flat Dimension: Ano ang sinasabi ng talata?

“At kanilang igawa Ako ng isang santuario; upang ako’y makatahan sa gitna nila.” Exodus 25:8

Ayon sa talata ay may sanctuaryong pinagawa at ang dahilan ay upang makatahan ang Dios sa gitna nila. So, sa pag-aaral ng topic ng Sanctuary ay narito ang main message:

Ang pagpapagawa ng Dios ng sanctuary ay upang makatahan o mapalapit Siya sa Kanyang bayan.

Ang main message na ito ay ang 1st dimension ng pag-aaral ng topic tungkol sa sanctuary. Sa mga bago pa lamang na mga mag-aaral ng Biblia ay maaaring sapat na muna iyan para makuha ang mensahe ng topic na pinag-aaralan.

Mahalaga na makuha ang main message sa 1st dimension, base diyan ay lalaliman natin ang pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng mga sumusunod na dimensions.

2nd – Jesus Dimension: Nasaan si Jesus sa pag-aaral ng sanctuaryo?

Narito, ang dalaga’y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.” Matthew 1:23

Sa pagkakatawang tao ni Jesus ay mas lalong napaigting ang layunin ng Dios na mapalapit sa tao. Ito rin mismo ang layunin ng sanctuaryo noong una.

Dahil sa pagkuha ng ikalawang dimension patungkol sa sanctuary topic ay mas nakita natin ang kagustuhan ng Dios na manahan sa gitna natin.

3rd – Me Dimension: Nasaan ako sa pag-aaral ng sanctuaryo?

“O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili;” 1 Corinthians 6:19

Ayon sa talata ay ang ating katawan ay templo (o sanctuaryo) ng Banal na Espiritu na kung saan ay maaaring tumahan ang Dios kung papayagan natin. Dito ay nakita natin na tuloy-tuloy pa rin ang layunin ng Dios sa pagbibigay Niya ng sanctuary sa tao.

Dahil sa paggamit natin ng ikatlong dimension ay nakita natin na sa topic ng sanctuary ay mas naging personal ang kagustuhan ng Dios na manahan sa atin. Sa pamamagitan ng Holy Spirit ay individual nang kumakatok ang Dios upang mapalapit sa atin.

4th Dimension: Nasan ang iglesia sa pag-aaral ng sanctuaryo?

“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” 1 Corinthians 3:16

“Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.” Matthew 18:20

Ang iglesia bilang nagkakatipon na nag-aaral ng salita ng Dios ay binigyan ng pangako na ang Dios ay tatahan sa gitna nila. Ito rin ang layunin ng sanctuary sa first dimension.

Dahil sa paggamit ng 4th dimension ay naunawaan natin na maging sa Bagong Tipan o panahon ng mga Kristiano ay tuloy-tuloy pa rin ang layunin ng sanctuary: upang mapalapit o manahan ang Dios sa gitna natin.

5th – Heavenly Dimension: Maia-aaply rin ba sa heavenly things ang pag-aaral ng sanctuary?

“Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang Dakilang Saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng Karangalan sa mga langit, Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.” Hebrews 8:1-2

Dahil sa paggamit natin ng limang dimensions sa pag-aaral ng Biblia ay naunawaan natin ngayon na ang aral pala ng sanctuary ay hindi lamang para sa mga Israelita at panahon ni Moises noon, kundi pati na rin sa iglesia ngayon, sa mga individuals, at maging sa bagong langit at bagong lupa.

Ito ay ibinigay upang makita natin na gustong-gusto ng Dios na makitahan sa gitna natin. Sa katunayan, maging sa langit ay presente pa rin ang sanctuary, at doon tatahan ang Kanyang mga anak na kasama Siya.


B. Ang Exodus

1st – Flat Dimension: Ano ang sinasabi ng talata?

Sa buong aklat ng Exodus ay mababasa natin kung paano pinangunahan ng Dios sa pamamagitan ni Moises na ilabas (exodus) ang Israel mula sa pagka-alipin sa Ehipto patungo sa Lupang Pangako.

2nd – Jesus Dimension: Ano ang isang application ng Exodus kay Jesus?

“But he [Jesus] also died to rescue all of us who live each day in fear of dying.” Hebrew 2:15 CEV

Si Jesus ay namatay upang palayain tayo sa pagkakaalipin sa kasalanan.

3rd – Me Dimension: Nasaan ako sa pag-aaral ng Exodus?

“At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo. ” John 8:32

Mapapalaya tayo sa mga bagay na magpapahamak sa atin kung susuriin natin ang mga katotohanan ng Biblia.

4th Dimension: May exodus rin bang pinapagawa sa mga miembro ng iglesia?

“Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot: ” Revelation 18:4

May mga individual na sa ngayon ay naroroon pa rin sa loob ng Dakilang Babilonia (spiritual apostasy) at hinihikayat na lumabas (exodus) upang huwag madamay sa mga salot na ibibigay ng Dios sa takdang panahon.

5th – Heavenly Dimension: Maia-apply rin kaya ang ‘exodus’ sa mga bagay sa langit?

“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli;  Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” 1 Thessalonians 4:16-17

Tulad ng mga Israelita na lumaya sa pagkaalipin sa Egypt at dumaan sa tubig (Red Sea) patungo sa Promised Land, ay gayon rin ang mararanasan ng iglesia ng Dios sa hinaharap: lalaya sila sa pagkaalipin sa mundong ito, dadaan sa alapaap (composition ay tubig) at patungo sa langit na bayan.


Now, your turn to use the 5 Dimensions

Nakita natin na hindi lamang sa surface malalaman ang katotohanan ng Biblia. Dahil sa paggamit natin ng limang dimensions ng Bible Study ay mas lumawak at lumalim ang pagkaunawa natin sa mga topic na pinag-uusapan. Mas madali rin maalala ang mga aral ng Biblia dahil ito ay magkaka-ugnay sa isa’t isa.

Ang mga sumusunod na topics ay ilan lamang sa mga naghihintay upang muling buksan at pag-aralan ang Biblia gamit ang technique na tinalakay sa itaas:

  • Adan at Eba
  • Sabbath
  • Joseph (Prince of Egypt)
  • Moses
  • Israel
  • Covenant

Bukas po ang ating comment box sa ibaba upang maibahagi nyo rin sa ating mga readers ang inyong natuklasan na mga katotohanan at insights gamit ang limang dimensions ng Bible study.